Love Letter na Sinulat Pagkatapos ng Bagyo

(Ang sulat na ito ay isinulat para sa iisang taong alam kong hindi ito mababasa. Sinulat ito sa bandang katapusan ng bagyo. Dahil na rin hindi ako makatulog kahit na pagod na pagod na ako sa kakabalot ng plastik kaya siguro bangag ako nang isulat ko ito. Baduy ang mga sumusunod na linya at kahit ako’y nakornihan dito’t nabaduyan pero okay lang yun kasi wer all sinners bak hir nt lyk dubai.)

Ganito kasi yun:

Patawarin mo ako kung magku-kuwento ako tungkol sa sarili ko kahit na alam naman nating hindi muna dapat idaldal ang sarili.

Kailangan muna nating tulungan ang iba.

Pero ganito kasi yun:

Tuwing nasa Covered Courts ako’t tumutulong sa pag-impake.

Tuwing nakikita ko ang mga litrato ng mga taong nasalanta ng bagyo.

Tuwing nakikita ko ang pagkasirang dinala ng sakunang ito.

Naalala kita.

Tinatanong ko lang kasi sa sarili ko kung ano kaya ang pakiramdam.

Pakiramdam kung sakaling nakilusong ako sayo sa baha.

Hawak ang kamay mo’t alalang-alala kung mai-uuwi ba kita nang ligtas.

Kung ano kaya ang ibinubulong natin sa isa’t isa habang pareho tayong nakalusong sa iisang payong.

Pakiramdam ng lungkot habang nakikita ko ang iyong mukhang unti-unting pinipitik ng ulan.

Ano kaya ang pakiramdam kung pilit kong hinihigpitan ang hawak sa iyong kamay habang unti-unti itong dumudulas?

Ngunit may hangganan ang mga tanong at mga pangarap.

Kailangan ng reality check.

Kailangan ko palang maramdaman ang maraming bagay, hindi pupuwedeng panay pangarap lang.

Kailangan ko pa ring maramdaman na nandito ako sa bahay at wala sa baha.

Kailangan ko pa ring mabuhay.

Kailangan ko pa ring maglakad dahil wala naman akong Expedition o Motorized Rubber Boat kaya hindi kita mare-rescue.

Kailangan ko pa ring maisip kung gaano kahirap ang pagkasiyahin ang katawan natin sa iisang payong, parang senseless rin kasi ang lakas ng ulan sana kapote na lang ‘di ba?

Kailangan ko pang magpaalam sa parents ko kung puwede ba kitang iligtas. Malamang di sila papayag.

Kailangan ko pa palang maramdaman na maaring iba na ang lalakeng kasama mo na nakilusong sa iyo sa iisang payong.

Na iba na ang taong kasama mo, pero kasing tamis pa rin nang nakaraan natin ang binubulong mo.

Kailangan ko pa palang maramdaman na maaring may iba nang mas importanteng tao na nag-aalala sayo, umuwi ka na sa kanya.

Kailangan ko palang maramdaman na maaring hindi mo man lang naisip kung nasaan ako habang bumabagyo.

Kailangan ko na palang bumalik sa totoong panahon kung saan matagal mo na akong iniwanan.

Ang corny man ng mga sinabi ko.

Wala kasi akong magawa.

Hindi ako makatulog.

Hindi ko na alam kung paano ako babalik sa mundo ng masasayang pakiramdam at malalapit na pangarap.

Hindi ko na alam kung nasaan ka, o kung sino na nga ba tayo para masabi nating itinakda pa rin tayong magtagpo.

Siguro babalik na lang ako sa Covered Courts.

- Miguel Rivera, Sept. 29, 2009.